Kailan Ang Tamang Panahon Para Mag-Loan?
Kung isa ka sa mga nag-iisip na mag-apply ng Loan, madalas sa hindi, ay mayroon ka ng pangangailangang ninanais mong mapunan – maaaring may nais kang bilhin, o may nais kang bayaran. Pwede din namang wala ka pang balak mag-apply ng loan, datapwat sumasagi na ito sa isip mo sa tuwing naiisip mong mag-negosyo o tumulong sa sino mang miyembro ng iyong pamilya.
Anu’t-ano pa man, may mga bagay na kinukunsidera sa pag-aapply ng Loan. Mas mainam na mapag-aralan at matimbang mo ang mga bagay-bagay bago ka gumawa ng desisyon hingil sa financing.
1. Para Saan?
Kung may nais kang bilhin na kabilang sa pangangailangan ng iyong sarili o iyong pamilya, o kaya naman ay mayroon kang dapat na bayaran, maaring utang o bills, siguradong mayroon ka ng sapat na dahilan. Tandaan lamang na mahalagang isaalang-alang ang kahalagahan ng paglalagakan ng salaping mauutang, upang hindi ito mapunta sa luho, o sa mga bagay na hindi naman talaga mapakikinabangan. Ilan sa mga bagay na maituturing na lubhang mahalaga sa buhay ay ang pag-aaral, pagpapagamot, pag-aapply ng trabaho, pagpapa-ayos ng bahay o mga gamit sa bahay, pati na ang pagsasagawa ng mga selebrasyon para sa mga taong malalapit sa iyong puso – kabilang na riyan ang minsanang pagbabakasyon, pagtitipon-tipon, at mga kaarawan sa pamilya.
Maiituturing ding importanteng mapag-lalaanan ng pera ang pagtatayo ng bagong negosyo, pagpapalakas ng existing na negosyo, o pag-iinvest sa ibang negosyo. Ang mga ito ay tiyak na mapakikinabangan sa hinaharap kung pag-lalaanan ng sapat na atensyon at pera. Dito mo gamitin ang iyong loan!
2. May Pambayad Ba?
Tingnan ang iyong budget. Parti-partihin ang iyong buwanang sahod o kita at tukuyin ang mga bahaging nakalaan para sa mga normal na gastusin, o buwanang bayarin. Ang matitira’ng halaga na kadalasang ginagastos ng ayon lamang sa pagnanais, o minsa’ng nilalagak sa bangko para maging savings, ay maaari ng makunsidera bilang pera’ng ilalaan mo sa pambayad ng loan, sakali mang ma-aprubahan ka. Mainam kung ang halaga ng salipi’ng sobra sa buwanag gastusin ay aabot sa 20% ng iyong sahod. Tukuyin din ang salaping kinikita o sinasahod ng iyong asawa, sapagkat ito’y maaaring makatulong sa overall financial health ng inyong pamilya, na mahalagang aspeto na sinusuri ng mga nagpapautang, gaya ng bangko at mga lending companies.
Maaari ka rin namang humanap ng iyong mga pagmamay-ari na pwedeng gawing kolateral, gaya ng sasakyan, lupa, o bahay. Ang mga ito ay kadalasang tinatanggap ng mga lending institutions, gaya ng Global Dominion Financing Inc., upang maging bahagi ng iyong eligibility para sa mga loan products.
3. Kailan Kailangan?
Kung may hinahabol na bayarin o gastusin, malamang kailangan mo na ng loan sa lalong madaling panahon. Huwag kalimutan ang oras na ginugugol sa pa-aaply ng loan – sa Global Dominion, kayang magpa-approve ng loan sa loob lamang ng isang araw, depende sa kumpletong dokumentong isusumite ng aplikante. May mga pagkakataon, lalo na sa ibang nagpapautang, gaya ng mga bangko, o ibang collateral loan institutions, na umaabot ng higit sa isang buwan ang credit evaluation o assessment ng iyong qualifications para sa loan products. Kaya’t nararapat lamang na mag-apply ka na agad, kung kailangan mo na ang salapi ngayong buwan. Kung ikaw naman ay nag-iisip magbakasyon o magnegosyo, isaalang-alang ang iyong kahandaan at ang iyong buong plano: handa ka na ba sa gagawin mo; may sapat ka na bang kaalaman sa iyong papasukin; alam mo na ba ang buong halagang kakailanganin mo; sinu-sino ang mga magiging bahagi ng iyong proyekto; at nagsagawa ka na ba ng pag-aaral hingil dito?
Ang pangungutang na wala sa tiyempo ay maaaring maging sanhi ng problema sa hinaharap, lalo na kung ito ay gagamitin sa isang negosyong wala kang nalalaman o sapat na katiyakan. Mainam na maging tapat sa iyong loan advisor o loan consultant upang magabayan ka nila ng tama hingil sa iyong pangangailangan.
Sa kabuoan, ang mga tanong na ito ay guide lamang upang matulungan kang sagutin ang tanong kung kailan ang tamang panahon sa pangungutang. Ikaw at ikaw mismo ang makaka-alam ng timbang ng iyong pangangailangan at halaga na makuha ang iyong loan sa panahong inaasahan mo. Mahalang huwag magpadalos-dalos at kumunsulta sa iyong kabiyak o kamag-anak upang makakuha ng mas marami pang inputs hingil sa iyong kahandaang mangutang. Ang pangungutang ay hindi lamang solusyon sa mga problema, bagkus ay maituturing din itong binhi sa mga bagay na nais mong simulan – kung kaya’t nararapat lamang na ituring din itong kapangyarihan o tool na maaaring bumago sa inyong buhay kung mapanghahawakan ng mahusay at sa tamang paraan.
Kung may tanong hingil sa article na ito, mag-email lang sa aoguanzon@gdfi.ph.
Kung nais mo ng mag-apply ng loan, o alamin ang mga loan products na pwede sayo, i-click lamang ito.